Bata pa lang ako, mahilig na akong magbasa. Kung anu-ano ang binabasa ko. Pero kailangan may illustration, hindi ako nagbabasa ng libro na walang drawing. Palibhasa siguro, parang boring tingnan ang librong puro letra lang ang makikita mo. Noon ko napansin na importante na sa unang page pa lang ng isang libro eh mahuli mo na ang kiliti ng babasa nito. Syempre pag bata ka, illustration o drawing ang gusto mo munang makita tapos tsaka mo babasahin. Kaya kung anu-anong children's encyclopedia ang binabasa ko.
Pag tinatanong ako nung bata ako kung anong gusto kong regalo sa pasko, palaging libro ang hinihingi ko. Madalas pag wala akong kalaro nung bata pa ako, nasa kwarto lang ako lagi nagkukulong, nagbabasa ng libro. Ako lang kasi ang babae sa aming magkakapatid at ako pa ang bunso kaya sanay akong mag-isa talaga. Maniwala kayo't sa hindi, hindi ako nabo-bore kahit mag-isa ako at nagbabasa ng libro o nakakulong lang sa kwarto. Lalabas lang ako para kumain tapos babalik ulit sa kwarto. May ilang libro na akong binili na hindi ko na alam kung nasaan ngayon (may mga humiram kasi na hindi marunong magbalik hehe). Medyo maingat ako sa gamit kaya ayokong nagugusot ang libro ko kaya kung nagusot na after mo hiramin, sayo na lang.
Dito nagsimula ang hilig ko sa pagsusulat. Kung anu-anong walang kwentang bagay na ang sinulat ko. Gusto ko dati mag-take ng Creative Writing sa UP. Gusto ko magsulat para sa isang dyaryo o magasin. Pero masaya na ako na nauso ang online journal o blog. Dito hindi na kailangang dumaan pa sa editor ang sasabihin mo. At wala akong pakialam kahit may makabasa nito o wala. Ang importante eh naisulat ko yung gusto kong sabihin. Diba? Diba? Diba?
Ngayon ko lang napansin na nakakatuwa pala magsulat ng blog na nagtatagalog ka lang. Wala ka ng grammar na iisipin pa. Naaliw ako pag nagbabasa ako ng mga articles sa Peyups.com na sulat sa tagalog. Kasi mas nakaka-relate yung nagbabasa. Isa sa mga idolo kong manunulat ay si Bob Ong. Nag-aaral pa ako nun sa Baguio nung una kong makita ang libro nya. Napansin ko ang isang kulay itim na libro. Akala ko pang-black magic kaya binuksan ko..at eto ang una kong nabasa...
<'> PATAY NA 'KO?!?
<.--.> Ilang beses mo ba gustong marinig ang 'oo'? Kung may bayad ang bawat tanong, mayaman na 'ko.
<'> Totoong patay na ako???
<.--.> Bawal magsinungaling dito.
<'> Pero bakit...
<'> Sinong...
<'> Paanong...
<'> Asaan ako?
<'> Sino ka?
<.--.> Patay ka na.
<.--.> Nasa lugar ka ng mga patay.
<.--.> Receptionist ako sa mga lugar ng patay.
<.--.> May tanong ka pa?
<'> Pano na ang mga anak ko?
<'> Maayos na ang buhay nilang lahat. Nagpakasal na ulit ang asawa mo. Nasa Amerika na ang bunso mo. At kakapanganak lang sa ikatlo mong apo sa tuhod kanina habang nagsasalita ka.
<'> HUH?!?! kakamatay ko pa lang ah?
<.--.> Mag-iisang oras ka na dito.
<'> Alam ko!?
<.--.> Dito, pero sa lupa, higit apat na dekada ka ng patay. Ang isang araw dito, isanlibong taon sa lupa. 2049 na. Kung binabasa mo yung handout na binigay ko syo sa halip na tanong ka ng tanong, kanina pa dapat malinaw syo ang lahat.
<.--.> Tingnan mo...
<'> Saan yan???
<.--.> Sa Pilipinas.
<'> Eh bakit ganyan yan? Sino yan?
<.--.> Si Marvin.
<'> Marvin?
<.--.> Marvin. Marvin Agustin.
<'> Yung artista? Matanda na? Anong ginagawa nya dyan?
<.--.> Presidente sya ng bansa mo.
<'> Huh?!!!!
<.--.>Ayos naman ah! Gusto nga sya ng mga tao eh.
<'> E sino yan? Asawa nya?
<.--.> Saan?
<'> Ayan sa kanan.
<.--.> Ah, vice president yan.
<'> Sinong naging Vice President??
<.--.> Si Tootsie Guevarra. Yung magaling kumanta.
<'> Huh????
<.--.> Anong "huh???"? Ayos nga sila eh. Iniahon nila ang Pinas sa kahirapan.
<'> Nasan na si GMA?
<.--.> Matagal ng wala si Macapagal. Balik na ulit sa mapa ang Pilipinas. Mayaman at respetado na ulit ang bansa mo.
<'> Talaga? Hehe.
<.--.> Oo ang ingay mo kasi kanina eh. Di ko tuloy naintindihan yung speech ng Papa sa Roma..papapanoorin dapat kita.
<'> Bakit may ano?
<.--.> Pilipino ang bagong papa. Nanuod ka ba dati ng MTV? That's Entertainment?
<'> Hindi. Bakit?
<.--.>Eh hindi mo pala kilala yung bagong Papa.
<'> Sino? Anong pangalan?
<.--.> Pope Rose I
<.--.> Hindi yun ang totoo nyang pangalan pero artista sya dati.
<.--.> Donita Rose ang screen name nya.
<'> Si Donita Rose??? Yung VJ naging Pope???
Hindi ko napapansin na nakakailang page na pala ako ng ma-realize ko na kailangan kong bilihin ang libro na yun. Ang Paboritong Libro ni Hudas. Hindi na ako naghahanap ng drawing ngayon. Simula nung lumaki ako, nalaman kong wala pala sa drawing o ganda ng page o ganda ng cover ang dahilan para bilihin mo ang isang libro. Nasa laman pala yun. Iba ang atake ni Bob Ong sa pagsusulat. Parang nagsasalita lang sya sa harap mo. At yung mga iniisip mong hindi pwedeng isulat sa libro kagaya ng mga lumilipad na ipis, paano pumatay ng ipis, bakit may machine gun sa pwet si Astroboy, mga kakaibang teacher nung bata ka pa, mga kaaway ni Shaider kagaya ng higanteng kuto, tungkol sa Spirit of the Ballpen, si Tong (ang talangkang nagfe-friendster) at kung anu-ano pa. Lima na ang libro nya at binili ko lahat yun. Hindi sya comedian at hindi nya intensyong magpatawa pero matatawa ka sa mga sinulat nya dahil alam mong totoo at nangyayari talaga. Kaya nyang isulat ang baho ng gobyerno at mga hindi kagandahang ugali ng mga Pilipino. Hindi mo napapansin na seryoso na pala ang sinasabi nya kasi pagkatapos ng isang paragraph, may bigla na lang susulpot na quiz para malaman mo kung gano ka ka-Jologs. Madami kang matutunan sa libro nya. Mga bagay na akala mo alam mo na pero hindi pa pala.
Excerpts from ABNKKBSNPLAKo?!:
Ewan ko ba kung bakit mahirap na ang math, yun pang mga teachers na kumakain ng bata ang pinagturo nito sa eskwelahan namin. Lalo ko tuloy kinaasaran yung subject. Buti pa ang alphabet nakakagawa ng equation (c=a+b), ang number ba nakakagawa ng sentence (32 asked 4,150 if 7 will 69 8)?
Matindi ang highschool. Hari ng asaran. Hindi mawawala ang mga biruang "Bagay kayo ni _____" kung saan ipa-partner ka sa pinakapangit sa section nyo. May naging classmate akong babae dati na pinangalanang "beastfighter". Isipin mo na lang kung anong itsura nya.
Excerpt from Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?
Lumaki ako sa panahon at lugar kung saan di pa gaanong talo ng telebisyon ang radyo. Masuwerte ako at natikman ko pa ang programa ng mga batikang komentarista at drama ng mga beteranang voice talents. Masarap alalahanin yung panahon na natatakot ka pa sa "Gabi ng Lagim" at naaaliw sa mga "pelikulang para sa tenga" tulad nito:
"Wag mo akong hawakan, Berting, nasasaktan ako! Magulo na ang buhok ko at pumapalag na ako ngayon!"
"Magtapat ka, Lorena, habang lalong humihigpit ang hawak ko syo!"
"Tama na Berting! May nakikita ako ngayong kutsilyo sa mesa, kukunin ko ito at bigla kong isasaksak sayo..ayan nakuha ko na..sinaksak na kita!"
"Aaaah! Sinaksak mo ako sa tiyan, ito ngayo'y nagdurugo at mamamatay na ko...ayan, patay na ko!"
Excerpt from Alamat ng Gubat:
"Hindi kailangan na ang gagawin natin ay para lang sa atin, dapat ay isinasaalang-alang rin natin ang mga susunod pang henerasyon." sabi ni Tong. "Hmmmm...gusto ko ang dila mo batang talangka, pwede ka sa mga call center," sabi ni Matsing.
Excerpt from Stainless Longganisa:
Sa panghuli at higit sa lahat, magbasa ka ng libro. Kung nabasa mo lahat ng mga libro ko, salamat. Pero kung makakabasa ka pa ng ibang libro bukod sa mga isinulat ko o mga ipinabili ng teacher mo, mas magaling. Hikayatin mo lahat ng mga kakilala mo na magkaroon ng kahit isa man lang paboritong libro sa buhay nila. Dahil wala nang mas nakakaawa pa sa mga taong literado pero hindi nagbabasa. Ayos lang lumaki ng lumaki, magpatangkad, at tumanda ng walang natututunan -- kung puno ka! Pero bilang tao, may karne sa loob ng bungo mo na nangangailangan ng sustansya. Maraming pagkakataong kakailanganin mong sundutin yon. At sa bawat sundot, tulad ng sundot-kulangot, mas maigi kung may kapaki-pakinabang kang makukuha.
Hindi lang dahil sa kanya kaya mahilig pa rin ako magbasa. Fiction o Non-Fiction, masarap magbasa ng kwento o saloobin ng ibang tao. Pero ako yung tipo ng tao na hindi agad naniniwala sa kung ano ang binabasa. Kailangan mo rin syempre paandarin ang utak mo para malaman mo kung totoo ba talaga ang sinulat ng isang tao o sinulat lang nya yun dahil meron syang ibang motibo. Pairalin mo pa rin kung ano at kanino ka dapat maniwala. Katulad sa mga dyaryo. Hindi lahat ng sinusulat dun ay totoo. Kaya sabi nga ni Bob Ong, magbasa ka para sundutin mo yung karne sa loob ng bungo mo. Matututo ka lang pag kaya mo nang i-distinguish ang kaibahan ng sinulat ng ibang tao sa alam mong totoo. At pag marami kang alam, walang kahit sinong tao ang pwedeng isahan ka.
**Italicized paragraphs were taken from books written by Bob Ong.
