Monday, February 11, 2008

Malamig Ba Talaga Sa Baguio?

Image Hosted by ImageShack.us

Oo. Malamig sa Baguio. May fog. May Peanut Brittle din. Ube Jam sa Good Shepherd. Strawberries. Lengua de Gato. Pwede ka mag-pose kasama ang St.Bernard na si Douglas na nasa Mines View Park. O sakyan ang kabayong si Jolina na kulay pink ang buhok sa Wright Park. Andun ang PMA. Ukay-ukay. Burnham Park. Session Road. SM na walang aircon. One-day old. Butterfly Sanctuary. Ibay's. Barrel Man. Igorot. Sundot Kulangot. Iba't ibang bulaklak. Mga pine tree. Mga mumu.

Summer Capital ng Pilipinas ang Baguio. Kaya lahat ng tao, sabik pumunta dun. Bakit? Kasi malamig. Pwede kang magpormang-tate pag andun ka. Tanda ko pa nung unang punta ko sa City of Pines, bata pa ko nun, sa Teacher's Camp kami nag-stay. Basta ang alam ko may mumu doon. Iba ang Baguio noon, paakyat ka pa lang, amoy pine tree na. Kahit saan ka pumunta, fresh na fresh ang hangin. Tingin ko sa mga tao na taga-Baguio, swerte kasi malamig, mamumuti ka sa lamig. Hindi rin magiging oily ang face mo. Puro magagandang side ng Baguio ang napupuna ko parati. Hanggang sa nakapag-aral ako dun.

Ok naman. Masaya mag-aral sa Baguio. Struggle kung hindi ka marunong mag-ilocano. Unang araw sa klase, may mga lengguwahe akong nun ko lang narinig. Parang Ilocano na hindi. Pagpasok ng prof, introduce yourselves daw. As expected, nag-ready na ako ng sasabihin. Kaya lang napansin ko, may additional question at hindi ito karaniwang tanong kung laki ka sa lowlands. Maliban sa pangalan, school na pinanggalingan, bakit ang course na yun ang napili mo at ano ang expectations mo sa subject na yun, tinatanong din kung ano ang tribo mo. Oo. Tribe daw. Medyo nagulat ako kasi ang totoo, nabasa ko lang ang tungkol sa mga tribo nung highschool pa ako, sa Araling Panlipunan na subject pa yun. Hindi ko alam nung time na yun na meron pa palang mga existing tribes. Nalimutan ko kung anong tribe ng prof ko nun pero sa tribe nila, kung ilan ang anak mo eh katumbas daw nun kung gano ka kayaman. Kaya medyo depressed sya kasi hirap syang magka-anak. May mga tribo naman na ibang dialect ang gamit nila. Yung iba, umaakyat ng bundok pag family reunion nila. Hindi katulad ng karamihan ng taga-lowlands na pag sinabing family reunion ay swimming at pa-morningan na videoke ang ibig sabihin. Ang reunion ng ibang tribe, ginagawa nila yung mga nakaugalian ng mga ninuno nila.

Naisip ko nun, madami talaga akong matututunan sa lugar na to. Sobrang yaman ng kulturang Baguio. Bukod sa strawberries, barrel man at malamig na klima, mas may mahigit ng dahilan kung bakit ginusto kong manatili sa lugar na to.

Pero habang tumatagal, napapansin ko na ang mga hindi kagandahang aspeto ng Baguio. May mga lugar sa Baguio na iisipin mong parang nasa manila ka. Mga lumang-lumang building na halos puluputan na ng patong-patong na kable ng kuryente. Ang kawalan ng tubig. Bulto-bultong basura. Maduming overpass. Mauusok na lugar. Kaskaserong mga driver. Mga snatcher. Ang akala ko na dati'y simpleng lugar, nag-iba na pala. Naisip ko nun, sayang dahil parang hindi naalagaan ang Baguio. Sayang dahil hindi napre-preserve ang lugar. Alam ko na nagmo-modernize na ang lahat ng bagay ngayon. Magandang umasenso pero hindi dapat ipagwalang bahala ang kahalagahan ng kultura ng isang lugar. Dahil dito, tinamad na ako pumunta sa mga tourist spots dun. After school, uwi lang sa bahay. Ganun lang ang buhay ko. Nakakalungkot din isipin na may ibang Igorot na ayaw nila amining Igorot sila katulad na lang nung kaklase ko dati. Yung isa ko ring classmate dati, ayaw aminin na may tribe sya pero eventually, sinabi rin nya, ayaw lang daw nya kasi nahihiya sya. Alam kong walang dapat ikahiya pero hindi ko alam kung bakit sila nakakaramdam ng ganun.

Nung kinailangan ko ng umalis, nalungkot din naman ako. Madaming memories. Sobra.

Dito ko naranasang pumasok sa school na pambahay na shirt lang ang suot kasi ang importante lang naman sa Baguio, dapat madami kang jacket.

Dito ako nagpagupit ng barber's cut. Ang hirap kasi magpatuyo ng buhok kaya pinaikli ko na lang.

Dito ko napansin na pag nilagay mo ang softdrinks sa may bintana sa gabi, after 30mins, kunin mo at para lang galing sa fridge sa sobrang lamig.

Dito ko nalaman na pag bibili ka ng mantika, hindi milliliters ang basehan. Dapat alam mo kung 1/4, kalahati o isang buong mantika ang bibilihin mo. Mukha syang puto.

Dito ako natuto mag-drive. Mahirap dahil puro uphill at downhill. Mahirap mag-hanging.

Dito ko na-appreciate ang apoy sa shellane. Bago kasi ako maligo, binubuksan ko yung shellane at tinatapat ko ang kamay ko sa apoy.

Dito ako nakaranas ng maya't mayang tremors pero dinededma ko lang.

Dito ko nalaman na kahit gano kainit sa umaga, magdala ka pa rin ng payong dahil siguradong uulan pag hapon.

Dito ko nalaman ang madaming alternative medicines. Na pure honey ang ginagamit nila to heal wounds. Na masarap pala ang one day old, chicken balls at kikiam sa Burnham.

Dito ko nalaman na pati taga-Mindanao, dumadayo dito para lang magbenta ng pirated dvds sa Session Road pag 11pm na.

Dito ko nalaman na ang electric supply nila ay Beneco at hindi Meralco.

Dito ko nalaman na ang Baguio ay originally designed for 30,000 people.

Dito ko nalaman kung ano ang kahalagahan ng tubig at lahat ng bahay dito may water tank. Parang may contest ng palakihan ng tangke. Bakit? May water shortage kasi sa Baguio. Sa apartment ko dati, every tuesday at friday lang may lalabas sa gripo. Kaya ipon ng tubig. Pag hindi ka nakapag-ipon or naubos na ang tubig mo sa tank, pwede ka naman magpa water delivery at pupunuin nila ang tangke mo.

Dito ko nalaman na pag nasa loob ka ng mall ay mas malamig pa sa labas.

Dito ako unang beses sumugod sa opening ng isang mall. Opening ng SM Baguio. Ewan ko kung bakit andaming butterflies na nagkalat sa loob nung first day.

Dito ko nalaman na ang mga taxi driver dito ay laging may naka-ready na pangsukli. Kahit piso sukli mo, ibibigay pa rin nila sa yo.

Dito ko nalaman na may mga foster parents pala ang mga nag-aaral sa PMA. Kung kaya mo at maganda ang record mo, pwede ka maging foster parent.

Dito ko natikman ang pinakamasarap na banana-q sa buong mundo. Matatagpuan sya sa tapat ng apartment ko dati sa Happy Homes.

Dito ako unang nakatikim ng red rice, na masarap pala papakin ang carrots at pwede kang manguha ng sayote sa kapitbahay.

Dito ako nakakita ng maraming artists.

Dito ako nakakita ng sobrang daming Koreano.

Dito ako bumili ng alaga kong rabbit na pinangalanan kong Spaghetti dahil Spaghetti ng Sexbomb ang tumutugtog sa sasakyan nung pauwi na ako.

Dito ako nakaranas matuwa nang matapunan ng sobrang init na kape ang kamay ko. Bakit? Nanginginig kasi ako nun sa sobrang lamig.

Dito ako unang beses kumain ng dahon. Humihingi kasi ako ng candy sa classmate ko. Ang ginawa nya, pumitas sya ng dalawang dahon dun sa puno na katabi namin. Kinain nya yung isa. Kinain ko naman yung bigay nya. Wow! Menthol. Puno pala yun ng Eucalyptus. Pumitas pa ako ng lima.

Dito ko unang napansin ang kaibahan ng itsura ng taga-Baguio at ng isang turista. Ang turista - naka-bonnet na may nakasulat na Baguio, balot na balot, madaming dalang plastik, may bitbit na walis at laging nakatingala. Ang taga-Baguio - walang jacket o tamang jacket lang at may dalang payong.

Dito ako unang binigyan ng surprise birthday party ng mga kaklase ko. Sa Balatoc Mines kami pumunta at kahit nilalagnat ako, sobrang hindi ko malilimutan ang araw na yun. Alam kong on a tight budget sila that time pero dahil alam nilang malayo ako sa family ko, ginawa nila lahat para maging memorable ang araw na yun.

Madaming memories. Mahal ko ang Baguio. The good and not-so-good side of it.

Malapit na ang Panagbenga Festival. Madami pang lugar ang hindi napupuntahan ng karaniwang turista. Sana bisitahin nyo naman ang Historical Core ng Camp John Hay. Pumunta kayo sa Tam-Awan Village. Maryknoll Ecological Sanctuary. O sa Woodcarver's Village. Pumunta kayo sa mga art exhibit. Chocolate de Batirol. Silent Drill ng PMA. Pumunta kayo sa Ayuyang. Sa Vocas. Tikman mo ang Tapuy. Magsimba ka sa Pink Sisters o sa Cathedral. Yakapin mo ang isang pine tree.

Basta ang importante, respetuhin ang Baguio at wag magtapon ng basura kung saan-saan.

No comments: